MATAPOS maglabas ng anunsyo ang Palasyo hinggil sa pagbubukas sa publiko ng imbestigasyon kaugnay ng flood control scandal, inihayag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na hindi pa pwedeng simulan ang livestreaming ng mga pagdinig.
Katwiran ni ICI Chairperson Justice Andres Reyes, kailangan muna pag-aralan at buuin ng komisyon ang mga patakaran bago pa man tuluyang buksan sa publiko ang mga pagdinig sa usapin ng katiwalian sa likod ng mga infrastructure projects ng pamahalaan.
“Ito ay mahalaga upang mapangalagaan ang mga sensitibong impormasyon at mga konstitusyonal na karapatan ng mga inimbitahan testigo o mga resource persons,” wika ni Reyes sa isang pahayag.
Gayunpaman, nilinaw ni Andres na batid ng ICI ang saloobin ng mga mamamayan na nagtutulak ng tinatawag na transparency.
“Kami ay nagsusumikap na maging bukas sa publiko ang mga pagdinig sa lalong madaling panahon,” dagdag pa ni Reyes.
Una nang nanindigan ang ICI na hindi dapat maging instrumento ang ICI hearing sa “trial by publicity.”
