SA gitna ng imbestigasyon ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng gastos ng mga kandidatong lumahok noong nakaraang halalan, nanindigan si Senador Rodante Marcoleta na walang basehan ang paratang na premature campaign laban sa kanya.
Katunayan aniya, may kahalintulad na kaso ang dinesisyunan ng Korte Suprema noong 2009.
Samantala, kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ginamit ni Marcoleta bilang depensa ang desisyon ng Supreme Court ruling sa kasong Peñera vs. Comelec.
Base sa inihaing sagot ni Marcoleta sa imbestigasyon ng Political Finance and Affairs Department, ikinatwiran ng senador na binigay ang donasyon para sa kanyang kampanya bago pa man naging kandidato para sa posisyon ng senador.
Sa naturang desisyon ng Korte Suprema, idineklara ng kataas-taasang hukuman na walang naganap na premature campaigning dahil sa hindi pa naman nagsimula ang campaign period.
Nag-ugat ang isyu sa duda sa isinumiteng statement of assets liabilities and networth (SALN) ni Marcoleta na P51 milyon — malayo sa P100-milyong ginastos noong 2025 senatorial election.
Ani Marcoleta, walang pumasok na kontribusyon para tustusan ang pangangampanya sa 82 lalawigan.
Garantiya ng Comelec chief, agad na reresolbahin na ng PFAD ang usapin kasunod ng pagsagot ng senador.
Tumanggi naman magbigay ng dagdag na detalye si Garcia na una nang nag-inhibit sa naturang usapin. (JULIET PACOT)
