NAKATAKDANG buksan sa susunod na buwan ang isang bagong pasilidad kung saan inaasahang magiging “magkapitbahay” ang mga persons deprived of liberty (PDL) na nasa ilalim ng kustodiya ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa dinaluhang National Decongestion Summit sa Manila Hotel, partikular na tinukoy ni BuCor Director General Gregorio Catapang ang isang 60-ektaryang pasilidad sa Palayan City sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Aniya, ang bagong piitan na may kapasidad para sa 3,000 PDL ay ibinigay ng provincial government na may sukat na 60 ektaryang lupa at joint project ng BuCor at BJMP.
Paglilinaw ni Catapang, pagsasamahin umano para sa isang unified penology at correctional facility ang BJMP provincial jail at BuCor Reception and Diagnostic Center.
“Yung regionalization will push through and of course hopefully lahat ng province meron tayong unified penology and correctional facilities na kasama na kami,” dugtong ng BuCor chief. (LILY REYES)
