
SA gitna ng kabi-kabilang daing ng iba’t ibang sektor ng lipunan, isang kautusan ang inilabas ng Palasyo sa hangaring pigilan ang pagsipa ng presyo sa lokal na merkado.
Sa paglagda ng Executive Order 39 ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa P41 per kilo ang presyo ng regular milled rice, habang P45.00 kada kilo naman sa well-milled rice.
Bago pa man lumabas ang EO 39, nagpatawag ang pamahalaan ng isang sectoral meeting kung saan inilatag ang mga rekomendasyong naglalayong tiyakin sapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Mungkahi ng DA at DTI, magpataw ng mga price ceiling bilang tugon sa walang puknat na pagtaas ng retail price ng bigas sa bansa na anila’y lubhang nagpapahirap sa mga maralitang pamilyang Pilipino.
Pagtataya ng DA, aabot sa 10.15 milyong metriko tonelada ang inaasahang rice supply sa ikalawang semestre ng taon. Sa naturang dami, 2.53 milyong metriko tonelada ang mula sa nakaimbak na supply para sa unang anim ng buwan ng taon.
Nasa 7.2 milyong metriko tonelada naman ng inaasahang supply ang magmumula sa mga lokal na magsasaka, habang wala pa sa kalahating porsyento di umano ang mula sa ibang bansa.
Kumbinsido rin ang mga naturang kagawaran na higit pa sa kasalukuyang demand ag kabuuang supply na inaasahan ng gobyerno.
Gayunpaman, aminado ang DA at DTI na patuloy pa rin ang pagsasamantala ng ilang mga negosyante sa likod ng hoarding, price manipulation scheme at kartel na pakay ng naunang direktiba ng Pangulo.
Makakatuwang ng DTI ang Philippine National Police (PNP) sa implementasyon ng price cap.