
ANIM sa kada 10 kawaning nagtatrabaho sa Office of the Vice President ang nakataga bilang mga security details, batay sa mga dokumentong nakalap mula sa Commission on Audit (COA).
Sa datos na isinumite sa COA, lumalabas na mayroong hindi bababa sa 433 kawani sa kabuuang 683 empleyado ang OVP ang nasa talaan ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
Sa pagsusuri ng COA, may 174 empleyado ang pasok sa kategorya ng plantilla position habang 509 naman ang nasa non-plantilla assignments.
Sa dami ng nakadestino bilang security detail, lumalabas din pinakamalaking tanggapan sa loob ng bakuran ng OVP ang VPSPG.
Taong 2021, nasa 78 katao sa kabuuang 535 empleyado ng OVP lang ang nakatala bilang security detail. Sa naturang bilang, 204 lang ang may hawak ng plantilla position habang 331 naman ang non-plantilla.
Ayon sa state auditor, hindi hamak na mas maliit ang ginastos ng OVP sa pagbibigay tulong sa mga maralitang dumudulog sa naturang tanggapan – P358.95 milyon noong 2022 mula sa P506 milyon na nailatala sa panahon ni former Vice President Leni Robredo.
Bahagi rin ng COA report ang nagpapakitang P30.5 milyon lang ang ibinahagi ng OVP sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa mga pagamutan sa ilalim ng Medical Assistance Program.
Maging ang tulong sa mga namatayan, bahagyang bumaba, ayon pa sa COA.