SA gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultura, hindi na uubra ang teka-tekang tugon, ayon kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee.
Para kay Rep. Lee, napapanahon nang bumalangkas ang pamahalaan ng isang permanenteng solusyon sa hangaring pigilan ang pagsipa ng presyo ng bigas at gulay sa mga pamilihang bayan.
Ginawa ni Lee ang pahayag kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng Executive Order No. 39, na nagtatakda ng P41 per kilo price cap sa regular milled rice at P45.00 kada kilo naman sa well-milled rice.
“Isang stopgap measure itong ipinag-utos ni Pangulong Marcos na price ceiling sa presyo ng ating bigas para mapagaan ang pasanin ng ating mga consumers na matagal nang bugbog sa nagtataasang presyo ng mga bilihin,” pahayag ng Bicolano lawmaker.
“Pero dapat bantayan maigi ng gobyerno ang pagpapatupad nito dahil maaaring magresulta ito sa pagbaba o mas limitadong supply sa merkado. Pwedeng mag dalawang-isip ang pribadong sektor na magbenta ng kakaunti o hindi sila kikita. Mahirap naman na mas mura nga, pero pahirapan naman ang pagbili,” ani Lee.
Ayon sa AGRI partylist solon, ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas ay maituturing na isang marahas o mabigat na hakbang para maibsan ang bigat na dinadala ng mga konsyumer dahil sa mahal ng bilihin.
Mungkahi ng kongresista – punturiyahin ang ugat ng problema.
“Tulad ng nauna nating panawagan, kailangan din natin ng sustainable o pangmatagalang mga solusyon tulad ng agarang pamamahagi at pagdaragdag ng post-harvest facilities sa ating mga magsasaka, at ang isinusulong natin na pagpapalakas sa anti-agri smuggling law, para bukod sa mga smugglers, ay mapanagot din natin ang mga hoarders, price manipulators at mga kasabwat sa gobyerno na dahilan ng pagsipa ng presyo ng agri products tulad ng bigas,” dagdag pa niya.
Inihalimbawa ng mambabatas ang inihain niyang House Bill 9020 (Cheaper Rice Act) na naglalayong magkaroon ng subsidy program sa mga magsasaka para mahikayat pataasin ang produksyon, magkaroon ng sapat na suplay ng bigas at iba pang food products para bumaba ang presyo sa iba’t-ibang pamilihan.
“Inihain din natin ang ating panukalang Cheaper Rice Act, na layuning maglaan ang gobyerno ng pondo para sa subsidiya sa pagbili ng palay sa halaga na sigurado ang kita ng mga magsasaka. Ang mabibili namang produkto mula sa kanila ay ibebenta sa consumers sa mas murang presyo,” paliwanag pa ni Lee.
“Kapag nasiguro natin na kumikita ang mga magsasaka, mas mae-engganyo silang magpatuloy sa pagsasaka at pataasin pa ang kanilang produksyon, na bukod sa makakatulong sa ating food security, ay magpapababa rin sa presyo ng bilihin. Kapag nangyari ito, siguradong Winner Tayo Lahat.” pahabol ng partylist solon.