Ni Estong Reyes
MALAKI ang paniniwala ni Senador JV Ejercito na kasabwat ang ilang pro-China trolls sa destabilization plan laban sa gobyerno ng Pilipinas na pinopondohan ng Beijing.
Sa pahayag, sinabi ni Ejercito na malaki ang posibilidad na pinopondohan ng China ang destabilization plan sa pamamagitan ng “trolls” na may pagkiling sa Beijing sa gitna ng lumalalang sigalot hinggil sa panghihimasok nito sa West Philippine Sea (WPS).
Aniya, biktima siya ng coordinated social media attacks mula sa sinasabing trolls dahil lantaran ang pambabatikos nito sa Chinese aggression sa WPS.
Sa kanyang pagsasalita ng reporters, sinabi ni Ejercito na unang tinarget ng social media user sina House Speaker Martin Romualdez, Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at Senate President Migz Zubiri.
“The sad thing about it is that this might be part of a destabilization plan,” aniya.
Sinabi pa ni Ejercito na hindi malayong pinopondohan ng Chine ang atake sa kanya at iba pang opisyal ng pamahalaan na kumakalaban at bumabatiko sa panghihimasok at panggigipit ng China sa WPS.
“Di malayo because of the situation in the West Philippine Sea, so that mapunta ‘yong attention sa internal, sa ginagawa nilang destab efforts,” giit niya
“It’s not far-fetched that they are funded kasi bigla na lang pro-China sila na napakahirap ilaban ang posisyon na ‘yon,” dagdag ng senador.
Iginiit niya na bayaran ang trolls na umaatake sa kanya sa pagiging anti-China nito na hindi ginagawa ng isang normal na Filipino.
“Kung normal kang Pilipino, ‘di ka kakampi sa Tsina dahil binu-bully tayo, kinukuha ang territory natin. That’s why I suspect [they are trolls] kasi kung babasahin mo ‘yong kanilang narrative halos pare-pareho,” paliwanag ng senador.
Aniya, may “flimsy reasoning” at “cut and paste narratives,” ang nakasagutan niya sa social media.
Dahil dito, umapela si Ejercito sa lahat ng Filipino na magkaisa upang umunlad ang bansa at makasulong saka itigil ang “political bickering.”