Ni Estong Reyes
HINIKAYAT ni Senator Alan Peter Cayetano kamakailan ang lahat ng guro na gampanan ang kanilang mahalagang papel sa pagtatanim ng wastong asal sa isip ng bawat kabataang Pilipino upang umunlad ang bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano sa ginanap na Christmas Party ng public school teacher sa Taguig City, na malaki ang impluwensya ng guro sa paghubog ng kinakaharap hindi lang ng kabataan kundi ng ating bansa.
“Whatever ang itanim n’yo ngayon, ‘yan ang Pilipinas, 30, 40 years from now,” pahayag ni Cayetano sa kanyang mensahe sa mga opisyal ng elementary at secondary schools ng City of Taguig sa kanilang Christmas Party noong December 18, 2023.
Katulad ng biblical principle na “Kung ano ang iyong itinanim, siyang aanihin,” sinabi ni Cayetano sa mga guro na ang mga binhi na kanilang itatanim sa kabataan ngayon ang huhubog sa kinabukasan ng Pilipinas.
“Kung ang estudyante ang seed, and school naman natin y’ung soil, and then y’ung pagtuturo ng teacher naman y’ung pagdidilig,” wika niya.
“I’m just emphasizing that the future of the Philippines is in your hands,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, ang edukasyon ang naging susi sa matagumpay na paglinang ng Singapore ng positibong asal sa mamamayan nito.
“Sa Singapore, many of the key changes in attitude, alam niyo naging susi nila ay hindi finance department, hindi health department, hindi ROTC, hindi Central Bank. It was DepEd,” wika niya, na tinutukoy ang Ministry of Education ng Singapore.
Upang makamit ito, naghayag ng suporta si Cayetano sa education system ng bansa at hinikayat ang mga guro na iparating ang kanilang mga pangangailangan sa Senado at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
“Whatever we can do to support you, please tell us,” wika niya.