TINANGGAP ng Senado ang hamon ng Pangulo hinggil sa mga panukalang batas na dapat tutukan ng kongreso — kabilang ang anti-political dynasty bill na magbibigay wakas sa paghahari ng ilang pamilya sa larangan ng pulitika.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na ipaprayoridad ng Senado ang pagpasa ng mga panukalang batas na magpapatupad sa probisyon ng Konstitusyon.
Kabilang aniya sa isusulong ng mataas ng kapulungan ang sariling bersyon ng anti-political dynasty bill, gayundin ang amyenda sa partylist system na sadyang nilikha para magsilbing tinig ng mga abang sektor ng lipunan.
Layon aniya ng pagsusulong ng panukalang batas sa laban sa political dynasty at partylist system puksain ang lantarang korapsyon sa pamahalaan.
Katunayan aniya, halos lahat ng dinastiya sa bansa, sabit sa maanomalyang flood control projects sa kani-kanilang nasasakupan.
“We’re all on the spot here. Kasi ang pinag-ugatan ng mga anomalous projects, itong political dynasty din. Parang magkamag-anak sila, ang anomalous projects dahil sa political dynasty. Dinugtong na ng netizens. Nakita nilang isang culprit sa anomalous FCPs dahil sa political dynasty kasi palit-palit sila,” ani Lacson sa panayam sa DWIZ radio.
“So pagbalik namin sa Enero tuloy-tuloy yan hanggang maipasa on third reading. Kanya kanyang version lang yan ang kailangan ayusin ang mga version,” dagdag niya.
Nang tanungin kung malaking hakbang ba ang pagpasa ng anti-dynasty bill para mapigil ang korapsyon, sinabi ni Lacson: “Sa tingin ko malaki, malaking bagay para mabawasan ang katiwalian.”
Ani Lacson, naghain siya ng sariling bersyon ng anti-dynasty bill bilang isa sa kanyang mga prayoridad, na sumasaklaw hanggang ikalawang antas ng consanguinity at affinity.
Dagdag niya, kumpiyansa siyang marami sa mga mambabatas ang susuporta sa pagpasa ng naturang panukala kahit pa maapektuhan ang ilan sa kanila, lalo na ngayon na nasa ilalim ng matinding pagbabantay ng publiko ang Kongreso bunsod ng galit ng mamamayan sa mga anomalya sa mga proyekto.
Suportado din ni Lacson ang pagpasa ng panukalang reporma sa partylist system upang matiyak na tunay na pagsisilbihan ng kanilang kinatawan sa Batasan ang mga abang sektor ng lipunan.
Binanggit din niya na maraming partylist groups ang lumabas na may kaugnayan sa malalaking kontratistang sangkot sa korapsyon.
“Di pwedeng haluan. Alam natin ang marginalized na di marginalized kundi bilyonaryo,” ani Lacson. “Sana ma-correct at sana bago pumasok sa 21st Congress maayos ang batas na yan ang priority measures.” (ESTONG REYES)
