MAS malaking pondo ang kailangan ng gobyerno para sa ayuda sa mga tinaguriang kapos ang kita — kung hindi man tambay na muna dahil sa walang mapasukang trabaho.
Batay sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong buwan ng Enero ng kasalukuyang taon, tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Ayon sa PSA, nasa 2.16 milyong Pinoy edad 15 pataas ang walang trabaho sa unang buwan ng 2025. Kumpara sa 1.63 milyong unemployed noong Disyembre 2024, lumalabas na nadagdagan ng mahigit sa kalahating milyon ang bilang ng manggagawang tapos na kontrata, kung hindi man nasisante ng kumpanyang pinapasukan.
Gayunpaman, nilinaw ni Deputy National Statistician at PSA Assistant Secretary Divina Gracia del Prado, karaniwang sumisipa ang bilang ng mga walang trabaho tuwing Enero dahil sa tapos na ang seasonal demand na kalakip ng Holiday Season.
Pinakamarami ang naitalang unemployed mula sa services sector, kasunod ang agrikultura, at industry at accounting.
