MATAPOS humugong ang balita hinggil sa umano’y pagpasok ng dalawang Chinese spies sa bakuran ng Malacañang, agad na nagpatupad ng recalibrated security measures ang Palasyo.
Kabilang sa mga pagbabago sa seguridad ng Palasyo ang pagsibak kay Major Gen. Nelson Morales bilang commander ng Presidential Security Group (PSG), ayon kay Undersecretary Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer.
Hinirang naman bilang bagong PSG chief si Brig. Gen. Peter Burgonio. Trabaho ng PSG tiyakin ang kaligtasan ng Pangulo at mga miyembro ng tinaguriang First Family.
Pebrero 20 nang dakpin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese nationals at tatlong Pilipinong kasamang ng mga espiya sa pagpasok sa Palasyo.
“Nakakaalarma po talaga iyang balita na iyan, at pagpupursigihan pa po natin at paiigtingin po natin ang ating pwersa para po masugpo ang mga sinasabing spies,” ani Castro.
