SA bisa ng mandamiento de arresto na inilabas ng husgado, kalaboso sa kabaro ang isa pang pulis sa sangkot sa kontrobersyal na operasyon kontra droga sa Maynila noong Oktubre ng taong 2022.
Kinilala ni Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) ang nadakip na pulis sa pangalang Sarhento Arnold Tibay.
Sa pag-aresto kay Tibay, walo pang pulis ang target ng puspusang manhunt ng PNP matapos napasailalim sa kustodiya ang 21 iba pang nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Walo na lang po yung at-large dahil may isa pa po tayong nahuli noong January 31. Yung isa po roon sa active PNP personnel ay nahuli na po,” ayon kay Fajardo. (EDWIN MORENO)
