
DAHIL sa bagal ng paglilitis sa kasong isinampa ng nakalipas na administrasyon laban kay dating senador Leila De Lima, kinastigo ng Korte Suprema ang huwes na nangasiwa sa pagdinig ng asunto.
Sa pasya ng Korte Suprema, pinatawan ng baryang multa si Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 256 Presiding Judge Romeo Buenaventura bunsod ng paglabag sa new code of judicial conduct at neglect of duty.
Batay sa resolusyon ng First Division, inatasan ng Korte Suprema si Buenaventura na magbayad ng multang hindi bababa sa P18,000 para sa “misconduct” at isa pang P18,000 para sa “neglect of duty.”
Kalakip ng ipinataw na multa ang babala ng Korte Suprema kay Buenaventura — mas mabigat na parusa sa sandaling maulit ang naturang bulilyaso.
Nag-ugat ang administrative case na inihain nina Atty. Teddy Esteban Rigoroso at Atty. Rolly Francis Peoro na tumayong abogado ng dating senador. Alegasyon nina Rigoroso at Peoro, sadyang inantala ni Buenaventura ang pag-i-inhibit sa kaso para patagalin sa kulungan ang akusado.
Halos pitong taon nakulong si De Lima sa patong-patong na kasong may kinalaman sa droga. Abswelto ang dating senador sa lahat ng asunto.