NANINIWALA ang isang ranking official ng House Quad Committee na malalantad sa pag-usad ng paglilitis ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang bilyon-bilyong kinita mula sa pagbebenta ng iligal na droga na ikinubli sa pekeng kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
Paalala ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun, na isang senior member ng House Quad Comm, batay sa mga ebidensyang lumabas sa kanilang mga pagdinig, sa halip umano na sugpuin ang iligal na droga, ang Duterte drug war ay nagpataas lamang sa presyo ng ipinagbabawal na droga, nakontrol din ang suplay, at paggamit ng kita mula rito sa pagtatayo ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Para simple, ganito po: Bakit Grand Budol ang War on Drugs? Kasi hindi lang ito madugo—ito po ay isang bilyong-pisong negosyo. Yung maliliit na nagtutulak, pinagpapatay, pero yung malalaking sindikato, lalo pang lumakas. Bakit? Kasi sila ang kumontrol sa supply. At kapag sila lang ang natira, sila rin ang nagtakda ng presyo,” wika ni Khonghun.
“Kung talagang giyera kontra droga ang naganap, bakit hindi tinarget ang malalaking supplier? Bakit yung maliliit lang ang inubos, pero yung malalaki, lalo pang lumakas? Sinong nakinabang sa lumobong presyo ng droga?”
Noong Disyembre, sa pagdinig ng House Quad Comm, iniulat ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, senior vice chair ng komite, na ang kontrobersyal na war on drugs ni Duterte ay ginamit bilang cover-up sa isang “grand criminal enterprise” na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong katiwalian, at pandaigdigang sindikato ng droga.
Batay sa initial findings ng joint panel—binubuo ng House Committees on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts—si Duterte at ang kanyang malalapit na kaalyado ay hindi lamang umano nagpatuloy kundi nakinabang pa sa kalakalan ng drogang dapat sana’y pupuksain.
“Ladies and gentlemen, the Quad Comm has started to uncover a grand criminal enterprise, and, it would seem that at the center of it is former President Duterte,” ani Acop. “Napakasakit po nito dahil pawang tayo ay nabudol.”
“Mahirap po ang trabaho natin dito sa Quad Comm. Walang gustong bumangga sa isang popular na dating Presidente. Pero kami po, tulad niya, ay halal ng taong-bayan,” dagdag ni Acop.
Ayon naman kay Khonghun, ang paglilitis sa ICC ay magiging mahalagang pagkakataon upang patunayan na ang drug war ay hindi lamang tungkol sa patayan, kundi tungkol din sa isang malawakang operasyon na kumita ng bilyon-bilyong piso sa pamamagitan ng ilegal na droga at money laundering gamit ang POGOs.
“Ang ICC trial ay hindi lang tungkol sa patayan, kundi sa bilyon-bilyong pisong kinita mula sa dugo ng mga Pilipino. Dapat hindi lang si Duterte ang managot, kundi pati lahat ng nakinabang sa pekeng giyera,” giit ng kongresista.
Kasabay ng imbestigasyon sa ICC, isinusulong din ng Quad Comm ang pagsasampa ng mga kaso sa loob ng bansa upang papanagutin ang lahat ng sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang mga financier, protektor, at kasabwat ng sindikato.
“Hindi lang simpleng patayan ang war on drugs. Isa itong sistematikong operasyon para pagkakitaan ang dugo ng tao. Kung may hustisya, dapat managot ang lahat—mula kay Duterte hanggang sa lahat ng kasabwat niyang sindikato,” pahabol ni Khonghun. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
