MATAPOS isantabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang panawagan buksan sa publiko ang pagdinig sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan, kumasa naman ang Office of the Ombudsman sa mungkahing i-livestream ang preliminary investigation ng naturang ahensya.
Sa isang panayam ng Bilyonaryo News Channel, sinang-ayunan ni Ombudsman Crispin Remulla ang mungkahing buksan sa publiko ang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman sa mga kasong kinasasangkutan ng mga prominenteng opisyales ng gobyerno.
Para kay Remulla, malaking bentahe sa integridad ng proseso ang tinawag “transparency” sa isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman.
“We’re looking at the design where the PIs (preliminary investigations) can also be viewed… kung pwede i-livestream lang,” ani Remulla.
Samantala, nakatakda na rin umanong ilabas sa publiko ang mga desisyon sa 2016 at 2019 dismissal order laban kay Senador Joel Villanueva na dawit sa pork barrel scam.
