
KUMBINSIDO ang Department of Justice (DOJ) na maihaharap ng kagawaran ang pangunahing suspek sa likod ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, matapos matunton ang kinaroroonan ni suspended Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nasa Timor Leste si Teves na di umano’y nagtangkang humingi ng asylum sa nasabing bansa.
Batay sa mga impormasyong nakalap ng departamento, lumipad si Teves sa Timor Leste isang linggo na ang nakaraan sa pag-asang pagbibigyan ng Timor Leste government ang kanyang kahilingan.
“Teves entered Timor-Leste about a week ago in an attempt to secure special asylum status,” ani Remulla.
Gayunpaman, nakapagpadala na di umano ang Pilipinas ng isang liham sa gobyerno ng Timor Leste. Ipinabatid na rin aniya ng Pilipinas na ‘person of interest’ ang nagtatagong kongresista sa mahabang talaan ng mga kasong pagpatay sa lalawigan ng Negros Occidental.
Laman din aniya sa naturang liham ang plano ng Pilipinas na ihanay ang pangalan ng suspendidong kongresista sa talaan ng mga terorista.
Una nang tinawag na mastermind ni Remulla si Teves sa pamamaslang kay Degamo, kasama ang walong iba pang binakbakan ng armadong grupo sa Bayawan City noong Marso 4.
Wala pang pahayag ang abogado ni Teves.