SA pagnanais ng pamahalaan puksain ang sindikatong kumokontrol ng supply at nagdidikta ng presyo sa merkado, ilalarga ng gobyerno ang hindi bababa sa 100,000 metriko toneladang bigas sa mga pampublikong pamilihan.
Ang halaga — P25 hanggang P28 kada kilo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, layon ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) mas patatagin ang “food security” ng bansa.
Bukod sa food security, inaasahan din aniya ang pagluwag ng mga imbakan bilang paghahanda sa pagsapit ng anihan ng palay na ipinunla ng mga lokal na magsasaka.
“Inaasahang aabot sa P25 to P28 per kilo ang floor price ng bigas, depende sa edad nito. Layunin din ng auction na paluwagin ang mga bodega para makapag-imbak pa ng karagdagang supply ng bigas – ibig sabihin lamang nito ay maganda ang ani ng ating mga magsasaka,” wika ni Castro.
Nilinaw din ng Palasyo ang patuloy na pagbabantay ng pamahalaan sa presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan.
