KINATIGAN ng ilang miyembro ng Senado ang lifestyle check sa hanay ng mga opisyal at kawani ng gobyerno — kabilang ang mga nasa sangay ng Kongreso.
Bilang pambungad, nagpahayag ng kahandaan si Senador Risa Hontiveros sumalang sa pagsusuri, kasabay ng hamon kay Senate President Francis Escudero na maglabas ng direktiba para isailalim ang mga mambabatas at kawani ng senado sa lifestyle check.
“Siguro naman may legal na basehan dahil nagawa na po ito dati sa ilang mga sandali na naging napaka-sensitive sa publiko. Yung parang sabi nung iba, unexplained wealth o ‘di kaya conspicuous consumption sa lifestyle. And kaming lahat naman po na nagtatrabaho sa gobyerno ay nasa ilalim ng utos ng batas na to live simple lifestyles,” ani Hontiveros.
Bukod kay Hontiveros, kabilang rin sa mga senador na sang-ayon sumailalim sa lifestyle check sina Senador Vicente Sotto III at Senador Imee Marcos.
Hirit ni Sotto, isama sa lifestyle check ang asawa ng mga opisyal ng gobyerno.
Naniniwala naman si Senador Imee na dapat mauna ang mga miyembro ng Kongreso para magsilbing ehemplo.
“Long overdue na yan lifestyle check na yan kasi kung titignan mo yung mga Facebook nila, ikaw ang masisindak sa ipinagmamalaking mga sasakyan, mga apartments sa ibang bansa, mga alahas na kakaiba. Kaya karapat-dapat lamang. Wala namang sikreto, kitang-kita ng mga ebidensya,” ani Marcos. (ESTONG REYES)
