TATLONG bilyonaryong politiko ang inanyayahan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y malawakan at sistematikong korapsyon sa mga programang imprastraktura ng pamahalaan.
Sa usapin ng flood control scandal, partikular na hanap ng ICI sina Leyte Rep. Martin Romualdez at dating Congressman Zaldy Co ng Ako Bicol partylist group.
Gayunpaman, nilinaw ni ICI executive director Brian Hosaka na wala maski isa sa dalawang kontrobersyal na kongresista ang tumugon sa imbitasyon ng ICI.
Aniya, nais marinig ng ICI ang paliwanag nina Romualdez at Co sa umano’y bilyong pisong kickback mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Co, na dating chair ng House Appropriations Committee, ay itinuturong proponent ng “ghost” infrastructure projects na umano’y pinagmulan din ng malalaking kickback.
“The subpoena or what we call an invitation for incumbent legislators will probably… wala pang go signal from the commission to resend this again but definitely it will be sent out,” ani Hosaka.
Bukod kina Romualdez at Co, pinatawag na rin ng ICI si Senador Mark Villar para talakayin ang proseso sa pagpaplano, pagba-budget, pagpapatupad at pagsubaybay sa mga flood control at iba pang infrastructure project sa panahon ng panunungkulan bilang DPWH Secretary sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Una nang inihayag ni Villar na walang sinuman sa kanyang pamilya ang nakakuha ng kontrata sa gobyerno noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang Kalihim ng DPWH.
