NAKATAKDANG isa-isahin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hanay ng mga vloggers at social media influencers sa hangaring pwersahin magbayad ng buwis sa gobyerno.
Para kay BIR Commissioner Romeo Lumagui, higit na kailangan pagbayarin ng buwis ang mga sikat na vloggers at social media influencers na una nang sinilip ng mga mambabatas na posibleng paghugutan ng pondong panustos sa mga programa at proyekto ng gobyerno.
Aniya, sa laki ng kinikita ng mga vloggers at social media influencers dapat lang aniyang maningil ang BIR bilang tugon sa nakaatang na mandato.
Hindi rin aniya dapat ipaghinanakit ang paniningil ng buwis dahil lahat naman aniya ng mga Pilipino nagbabayad batay sa itinakda ng batas.
“Kumikita sila ng pera kaya nararapat na sila ay buwisan,” ani Lumagui, kasabay ng giit na pasok sa kategorya ng self-employed ang naturang sektor.
Nasa proseso na rin aniya ang BIR sa pagtatala, pagtataya at pagsusuri sa mga nakatalang vloggers at social media influencers sa kanilang ahensya.