
GAANO man kadulas ang palos, masisilo pa rin gamit ang tamang diskarte, ayon isang opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Pag-amin ni PAOCC spokesperson Winston Casio, tukoy na ng pamahalaan ang lunggaan ni former Presidential Spokesperson Harry Roque na nagtatago di umano sa ibang bansa sa hangaring makaiwas sa arrest warrant na inilabas ng Kamara bunsod ng hindi pagsipot sa pagdinig ng quad committee sa illegal POGO operation sa bansa.
Gayunpaman, tumanggi si Casio magbahagi ng iba pang detalye sa lugar na pinagtataguan ng dating Palace official.
“Unable to share information at this moment, but we do have intelligence information on his whereabouts, mayroon po tayong mga counterpart giving us intelligence information about it,” ani Casio.
Kabilang si Roque sa mga pinaniniwalaang protektor ng mga Chinese nationals sa likod ng illegal POGO na iniuugnay naman sa iba pang krimen kabilang ang droga, investment scam, human trafficking, kidnapping, murder at cyber fraud.