
SINIMULAN na ng pamahalaan ang pagkapon sa isa sa mga pinaniniwalaang kapural sa likod ng drug smuggling syndicate sa bansa.
Bilang pambungad, 16 na kaso ang agad ang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Yang Jianxin alyas Tony Yang na kapatid ni former presidential economic adviser Michael Yang.
Kabilang sa mga kasong isinampa sa Office of the City Prosecutor ng Cagayan de Oro City laban kay Yang na isang Chinese national ang falsification of public documents, perjury at paglabag sa Anti-Alias Law.
“In the course of the investigation, NBI-10 uncovered the fact that respondent uses these pseudonyms to put up several corporations and register them at the Securities & Exchange Commission in Cagayan de Oro City,” saad ng Department of Justice sa isang pahayag.
“Respondent concealed his identity as a Chinese national, obtained a Filipino birth certificate, and used his Filipino name/s as incorporator of these corporations, thus committing falsification in the corporations’ Articles of Incorporation and By-Laws.”
Bagamat pawang ‘bailable’ ang mga asuntong inihain laban kay Yang, tiniyak naman ng DOJ, marami pang demanda ang isasampa ang departamento sa mga susunod na araw laban kay Yang – kabilang ang mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga at human trafficking sa likod ng illegal POGO operation sa bansa.