SA kabila ng mga umiiral na programang naglalayong protektahan ang mga kabataan sa pang-aabuso, hindi halos nagbago ang bilang ng mga insidente ng child abuse sa Pilipinas, batay sa datos ng Philippine National Police (PNP).
Sa talaga ng PNP Anti Violence and Women and Children Division at Child Protection Center, lumalabas na nasa 18,756 kaso ng karahasan laban sa mga bata ang nangyari noong nakalipas na taon.
Gayunpaman, iginiit ni Police Major Meriel Editha Reyes na tumatayong deputado ng PNP Anti-Violence Against Women and Children Division at Children Protection Center, bahagyang mababa ang naturang bilang ng insidente ng pang-aabuso sa mga bata kumpara sa 19,101 insidente noong 2022 at 19,656 noong 2021.
Bahagi aniya ng kaso ng child abuse ay 7,933 insidente ng pagmamalupit, 7,262 kaso ng panggagahasa at 2,049 insidente ng kahalayan.
Paglilinaw ni Major Reyes, bagamat bumaba ang insidente ng child abuse, lubhang mataas pa rin ang naturang bilang.
