
Ni Ernie Reyes
MATINDING pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang personal na atake ni Vice President Sarah Duterte sa Pagkuwestiyon ng mambabatas sa illegal na paglilipat ng pondo sa kanyang tanggapan noong 2022 nang wala sa General Appropriations Acts (GAA).
Personal na inatake ni Duterte si Hontiveros sa pagsasabi nitong “flair for drama” ang mambabatas na nagugulat ang bansa nang kuwestiyunin ang naturang pondo.
“Senator Risa Hontiveros, while she amuses the nation with her flair for drama, could only wish the 2022 OVP CF was accessed illegally… It’s a shame they still cannot produce any proof to support their dirty imagination,” ayon kay Duterte.
Bilang tugon, sinabi ni Hontiveros na: “Trabaho lang, walang drama.”
Ipinagtanggol ni Hontiveros ang kanyang interogasyon sa confidential funds ng OVP na hindi maipaliwanag ni Duterte kung bakit nagkaroon ito ng pondo na wala sa GAA.
“Gagawin mo lang ang trabaho mo, ‘amusing’ na agad? Kung meron mang ‘amusing,’ ‘yan ay ‘yung halos kalahating oras na turo-turo, pag-iwas sa tanong, paikot-ikot na sagot, at pagbabalu-baluktot ng sitwasyon. Ginawa nilang perya ang basic na proseso ng pagbusisi ng pera ng bayan,” ayon kay Hontiveros.
Sa 2024, humihingi si Duterte ang P500 milyon confidential funds
Sinabi ng ilang kritiko na walang line item na confidential funds sa 2022 budget ng OVP at hindi makatuwiran o tama ang paglilipat ng P125 milyon confidential funds dito.
“The Supreme Court squarely ruled that the power to augment cannot be used to fund non-existing items in the budget,” ayon kay dating Senate President Franklin Drilon na tumutukoy sa kasong Araullo v Aquino, na ipinatigil ang pagpopondo sa item na hindi sakop ng appropriations dahil ito ay unconstitutional.
Nguni’t ipinagtanggol naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin — awtor ng desisyon san Araullo v Aquino — na sumusunod ang paglilipat sa Special Provision No. 1 sa ilalim ng 2022 contingent fund.
Tinukoy pa ni Hontiveros na kung bakit mas malaki ang confidential funds ng tanggapan sa ilalim ni Duterte, ang OVP at Department of Education—kaysa Department of National Defense at National Intelligence Coordinating Agency.
“Si Vice President Duterte lang ang may confidential funds na mas malaki pa sa combined confidential funds ng DND at NICA. Bakit ba kailangan niya ng napakalaking pondo na walang audit o disclosure sa publiko?” tanong ng senador.
Aniya, dapat sagutin ni Duterte ang lahat ng tanong kaysa bumaling sa personal attacks.
“Given the significant responsibility of government officials, I expect a shred of competence when it comes to fiscal matters… Kaysa sa mga personal na atake at pag-iwas sa tanong, mas maganda sigurong kung linawin na lang si VP Sara ang pondo ng opisina nya,” ayon kay Hontiveros.