SA halip na makiusap, dinaan na lang sa pangongonsensya ni Vice President Sara ang hirit na ibalik ang tumataginting na P1.3 bilyon na tinapyas ng Kongreso sa 2025 proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay VP Sara, nasa 200 empleyado ng kanyang tanggapan ang mawawalan ng trabaho kung hindi ibabalik ng Kamara ang P1.3 bilyong tinapyas sa P2.026 bilyon proposed 2025 budget para sa OVP.
“Approximately lang ito, 200 contract of service personnel, karamihan sa satellite offices. Meron din dito dahil malaki din ang operations ng National Capital Office (NCR),” wika ni VP Sara sa isang panayam ng mga peryodista.
Kabilang sa mga tinukoy na aniya’y mawawalan ng trabaho ang mga kawani sa mga satellite offices ng OVP sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Yes, the closure of satellite offices is a possibility depending on budget. Sa ngayon mas mabilis ang pagbaba ng projects. Kapag nagsara ang satellite wala nang tao na tatanggap ng budget at mag implement ng project,” dugtong ni VP Sara.
Paglilinaw ni VP Sara, hindi lang siya ang apektado sa tapyas budget ng Kamara. Pati umano mga pangkaraniwang empleyadong hangad lang ay makapagtrabaho, dinamay sa pamumulitika ng ilan. Gayunpaman, walang partikular na pangalan na sinabi ang pangalawang pangulo ng bansa.
“Of course, lahat ng personnel ng OVP ay hopeful na madagdagan ang budget dahil na explain naman kanina ni Sen. Bong Go gustong magtrabaho ng lahat, walang budget walang project walang gagawin may personnel na mawawalan ng trabaho.”
