HINDI bababa sa 370,000 Pinoy ang napipintong ipadeport ng Estados Unidos sa sandaling pormal na umupo bilang Pangulo ng Estados Unidos ni president-elect Donald Trump.
Gayunpaman, nilinaw ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakahanda ang kagawaran alalayan ang mga undocumented Pinoy sa naturang bansa.
“The DMW is prepared to assist our OFWs, whether they are documented or undocumented OFWs. Under the directives of our President, a whole-of-government team is here to provide support to possible deportees,” wika ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
Ayon kay Cacdac, hindi na bago ang mass deportation sa Estados Unidos. Katunayan aniya, nasa 3,500 Pinoy ang nadeport sa unang termino ni Trump bilang pangulo ng Estados Unidos — malayo sa 503 deportation cases na naitala noong 2018.
Bahagi aniya ng tinawag niyang contingency plan ng kagawaran ang pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa angkop na pagbabalangkas ng mekanismo sa pananalapi at medical and legal assistance sa bisa ng programang AKSYON at Emergency Repatriation Fund.
“We will continuously coordinate with the DFA and with the US authorities on monitoring the developments on the ground. Rest assured that DMW, along with its partner agencies, is ready to provide support and assistance to our OFWs,” sambit ng DMW chief.
Kabilang rin aniya sa inaasikaso ng gobyerno ang paghahanap ng trabaho para sa mga apektadong Pilipino sa iba pang bansa tulad ng Croatia, Slovenia, Germany, Hungary, at Japan.
