KASUNOD ng pagkalas sa administrasyon, tuluyan na rin inalisan ng proteksyon si Vice-President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Duterte ang aniya’y direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil na di umano’y nag-utos sa 75 police security escorts ng bise-presidente na lisanin ang pwesto at magbalik sa kani-kanilang “mother units.”
Gayunpaman, nilinaw ni Duterte na hindi siya apektado sa pagbawi ni Marbil sa mga security details na nakatalaga sa Office of the Vice President,
Katunayan pa aniya, tuloy pa rin ang kanyang trabaho bilang pagtupad sa nakaatang na mandato.
“I do hope, however, that with this latest directive of the Chief PNP, we hear less cries from the people regarding the proliferation of drugs in the country, and that even fewer shall fall victim to various criminal activities,” pasaring ni VP Sara sa hepe ng pambansang kapulisan.
“Tuloy-tuloy pa rin ang ating trabaho upang makapaghatid tayo ng serbisyo sa ating mga kababayan — lalong-lalo na sa mga liblib o underserved communities sa ating bansa,” dugtong pa niya.
Samantala, kinumpirma ni Marbil na “binawasan” niya ang police security escorts ni Duterte.
“Yung security ng Vice President is not under anymore sa amin. It’s under the Presidential Security Command. What we’re doing right now, especially sa NCR na kulang kulang ang mga tao natin, we have to ano…nagbawas po kami ng mga tao na hindi naman nila kailangan,” sambit ni Marbil bilang tugon sa pahayag ni VP Sara.
