LUBHANG nahihirapan ang mga pasimuno sa likod ng tatlong impeachment complaints na inihain sa Kamara. Ang dahilan — bantulot ang mga kongresista magbigay ng suporta sa planong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.
Pag-amin ni House Secretary General Reginald Velasco, anim na mambabatas pa lang mula sa mababang kapulungan ang nagbigay suporta sa anyo ng pag-endorso sa tatlong impeachment complaints laban sa pangalawang pangulo.
Wala pa rin aniyang katiyakan kung tuloy ang pagsasampa ng ikatlong impeachment complaint kay Duterte kaugnay ng umano’t paglustay sa P612.5 milyong confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni Duterte sa nasabing ahensiya.
Kabilang sa mga pangunahing sumusuporta sa tatlong impeachment ang tatlong Makabayan bloc solons, Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña.
Gayunpaman, nilinaw ni Velasco na hinihintay pa ng Kamara ang ikaapat na impeachment complaint kay VP Sara para sa sabayang pagsusumite sa tanggapan ni Speaker Martin Romualdez.
“So far, anim ang nag-iindorso sa impeachment complaint as I’ve said earlier naghihintay pa kami sa fourth complaint na tinatawag na consolidated complaint,” ani Velasco.
Batay sa umiiral na sistema ng Kongreso, kailangan makakalap ng mahigit 100 lagda ng kongresista para umusad ang impeachment complaint sa House Committee on Justice at madala sa plenaryo para botohan.
Isa rin aniya sa balakid sa pag-usad ng reklamo ang nalalapit na pagsipa ng campaign period sa Pebrero.
Nakatakda ang “adjournment” ng Kamara sa Pebrero 7, subalit muling bubuksan ang sesyon pagsapit ng Hunyo 2.
