
KASUNOD ng pagpanaw ng dalawang overseas Filipino workers (OFW) sa Kuwait, masusing pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagpapatupad ng deployment ban sa naturang bansa.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibilidad ng isang deployment ban sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa gitnang-silangang bahagi ng Asya.
Ayon kay Migrant Workers Sec. Hans Cacdac, lubhang nakakabahala ang sinapit ng dalawa OFW na si Dafnie Nacalaban na natagpuang patay matapos maiulat na nawawala noong buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon at maging kay Jenny Alvarado na namatay bunsod ng “suffocation” sa pinasukang kumpanya sa Kuwait.
Paglilinaw ni Cacdac, may umiiral na deployment ban sa bansang Kuwait para sa mga Pinoy na unang sasabak bilang migranteng manggagawa.
Batay sa datos ng DMW, nasa humigit kumulang 215,000 Pinoy ang kasalukuyang nasa bansang Kuwait para magtrabaho.