PINAGTIBAY ng Senado ang isang resolusyon na naglalayon manawagan sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Sa bisa ng 15 senador na pabor, pormal na pinagtibay ang Senate Resolution 144 na inihain ni Senador Alan Peter Cayetano.Tanging sina Senador Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan at Bam Aquino ang kumontra.
Buwan pa ng Hulyo nang ihain ni Cayetano ang resolusyon na naglalayon ipahayag ang tinawag niyang “sense of the Senate” sa kalagayan ng nanapiit na dating Pangulo sa The Hague (Netherlands) kaugnay ng kasong crimes against humanity sa likod ng madugong giyera kontra droga mula 2016 hanggang 2021.
Giit ni Cayetano, higit na angkop ikonsidera ng ICC ang “humanitarian reason” para sa 80-anyos na dating pangulo. Mungkahi ng senador sa akdang resolusyon — panunuluyan sa Philippine Embassy sa The Hague habang hinihintay ang paglilitis.
Alinsunod aniya sa umiiral na panuntunan ng husgado, dapat manaig ang tinawag niyang presumption of innocence kay Duterte hanggang sa napatunayan nagkasala.
Marso 11 nang dakpin at ilipad si Duterte sa The Hague. (ESTONG REYES)
