HINDI na angkop na patulan pa ang mga usap-usapan hinggil sa umano’y nakaambang kudeta laban sa administrasyong Marcos, ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
“Walang katotohanan ang mga kuwento ng kudeta,” wika ni Goitia na tumatayong lider ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), batay sa pahayag na inilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Malinaw ang pahayag ng AFP. Tapat sila sa kanilang sinumpaan sa ilalim ng Konstitusyon, tapat sila sa kanilang Commander-in-Chief, at tapat sila sa sambayanang Pilipino. Walang anumang haka-hakang tsismis na makakasira sa katapatan ng ating mga sundalo.”
Una nang nagbabala ang AFP na “hindi nila ito palalampasin” matapos kumalat sa social media ang di umano’y nakaambang kudeta.
Para kay AFP chief Gen. Romeo Brawner, layon lang maghasik ng gulo ang tinawag niyang tsismis — bagay na lubos na sinang-ayunan ni Goitia.
Ayon kay Goitia, ang pagpapalaganap ng ikatatakot ng publiko ay isang “klasikong taktika” para magkawatak-watak ang bansa.
“Hindi mga makabayang Pilipino ang nagpapakalat ng mga ganitong usap-usapan. Ang nais nila ay maghasik ng kaguluhan. Handang isugal ang katatagan ng bayan habang ang karaniwang Pilipino ay nagsisikap para may maipakain sa kani-kanilang pamilya. Ito ay malinaw na propaganda ng simpleng paninira at sabotahe.”
Giniit ni Goitia, ang tunay na kalaban ay hindi ang mga gawa-gawang kudeta kundi ang korapsyon. “Harapin natin ang katotohanan na ang pinakamahalagang laban ay ang laban sa korapsyon. Dito nagdurusa ang bayan, dito naghihirap ang sambayanang Pilipino. Ito rin ang laban na pinili ng administrasyong Marcos, kaya’t may mga gustong tuluyang iligaw ang taumbayan gamit ang mga tsismis ng destabilisasyon. Nagkukubli sila sa sarili nilang anino para maitago ang tunay na sugat ng lipunan.”
Lubos na pinahalagahan ni Goitia ang ipinapakitang propesyonalismo ng AFP sabay pahayag na, “Wala na tayo sa panahon ng mga kudeta. Alam ng ating mga sundalo ang kanilang tungkulin: ito ay ipagtanggol ang Republika ng Pilipinas at hindi upang wasakin. Dito ay nagkakaisa ang militar at doon nagmumula ang tunay na lakas ng bayan.”
Ayon kay Goitia, nagkakaisa ang pamahalaan at ang militar, at dito sumasandig ang taumbayan.
“Sa bawat tsismis na ating binabasag upang ilantad ang katotohanan at sa bawat kasinungalingan nabubunyag, mas tumitibay ang ating demokrasya. Itinataas ni Pangulong Marcos ang bansa sa tamang landas ng pagbangon. Kaya’t ang mga nagtatangkang humadlang dito ay hindi lang kalaban ng Pangulo, kundi kalaban ng buong sambayanang Pilipino.”
“Simple lang ang katotohanan. Tapat ang AFP. Matatag ang ating mga institusyon at nasa likod ni Pangulong Marcos ang sambayanang Pilipino. Kaya’t hindi matitinag ang Republika,” aniya pa.
Bukod sa ABKD, si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
