
SA hangad na awatin ang napipintong pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pwesto, nagpasaklolo sa Korte Suprema ang kampo ng pangalawang pangulo sa bisa ng petisyong humihiling ng temporary restraining order laban sa pagdinig ng impeachment case sa senado.
Sa petition for certiorari and prohibition na inihain nina Israelito Torreon at Martin Delgra III, partikular na hiniling ng mga abogado at mga lokal na opisyal ng Davao City awatin ang proseso ng pagpapatalsik sa bise presidente ng bansa.
Bukod kina Torreon at Delgra, kabilang sa mga lumagda sa petisyon sina Davao City Councilor Luna Maria Dominique Acosta, Bai Jundra Cassandra Dominique Advincula at Lord Byron Cristobal.
Bago pa man ang paghahain ng petisyon, nanindigan ang ilang de-kampanilyang abogado, kabilang si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio, na obligado ang senado na magpatawag ng special session para simulan ang impeachment trial laban kay VP Sara.
Ayon kay Carpio, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na mandato ng mataas na kapulungan “agad” na tugunan ang isang “verified impeachment complaint.”
Wala pang pahayag ang senado at kamara kaugnay ng petisyong inihain sa Korte Suprema.