WALANG bahid ng pagkabahala ang mukha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa napipintong sabayang pagtakbo ng mga mag-aamang Duterte bilang senador sa nalalapit na 2025 midterm election.
Ayon kay Marcos, kalakip ng demokrasya ang kalayaan ng bawat Pilipino lumahok sa halalan bilang botante o kandidato. Sa planong pagtakbo ni dating Pangulong Duterte, at ng dalawang anak na lalaki – Congressman Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte, wala naman aniyang pipigil sa kanila.
“It’s a free country. They’re allowed to do whatever they want. I really have no reaction to it besides, it’s still early,” ani Marcos.
Nang usisain sa kandidatura sa posisyon ng Pangulo ng anak na mayor ng dating Pangulo, sinabi ni Marcos na masyado pang maaga pag-usapan ang 2028 presidential election.
Aniya, marami pang pwedeng mangyari bago pa man matapos ang kanyang panunungkulan sa Palasyo. Ang tanging malinaw lamang aniya ay ang takdang petsa ng paghahain ng kandidatura sa buwan ng Oktubre ngayong taon.
“We’re talking about 2028, dami pa pangyayari between now and 2028. And the only real situation will become clear sa October, sa filing,” dugtong ng punong ehekutibo.
Isang linggo makaraang magbitiw sa pwesto bilang Kalihim ng Department of Education, isiniwalat ni Vice President Sara Duterte ang planong paghahain ng kandidatura bilang senador.
