
LIMANG kandidato sa posisyon ng senador ang patuloy na lumalabag sa panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagkakabit ng mga campaign materials sa labas ng designated posting area.
Bukod sa maling pwesto, labis din umano sa itinakdang sukat ang mga campaign posters at tarpaulins ng mga hindi tinukoy na senatorial candidates.
“Around five senatorial candidates are found to be consistent, in all regions, to be violators,” wika ni Comelec Chairman George Garcia, matapos ang pag-arangkada ng Oplan-Baklas.
Ayon kay Garcia, nakatakda na rin padalahan ng kalatas ng babala, kasabay ng direktiba sa kusang pagbabaklas ng mga kandidato para maiwasan ang paglabas ng show cause order.
Una nang nagbabala si Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na kakasuhan ang mga kandidatong lumabag at naglagay ng campaign posters sa mga ipinagbabawal na pwesto.
“Pwede na pong makasuhan anytime,” wika ng opisyal sa aniya’y posible pang humantong sa perpetual disqualification.