Ni LOUIE LEGARDA
TINABLA ni Vice President Sara Duterte ang di umano’y pakiusap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “bitbitin” ang binubuong senatorial line-up ng administrasyon para sa 2025 midterm election.
Katwiran ni VP Sara, ayaw muna niyang makialam sa nalalapit na halalan.
“Before ako mag-resign, meron kaming isang meeting kung saan inimbita ako ni President Marcos na sumali, tumulong sa administration para sa mga senators, senator-candidates at sabi ko sa kanya, hindi muna ako sasali sa midterm elections,” wika ni Duterte sa isang panayam kasunod ng ceremonial turnover sa Department of Education (DepEd).
Katunayan aniya, tinanggihan din niya maging ang pakiusap ng amang si former President Rodrigo Duterte na tulungan ang ilalargang senate bets sa ilalim ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP).
“Sa isa namang pagkikita namin ni former President Duterte, by chance nagkita kami ni former President Duterte, inimbita niya rin ako na mangampanya, tumulong, sumuporta para sa mga candidates ng PDP. So sinabi ko rin sa kanya na hindi muna ako sasali sa midterm elections,” paliwanag pa niya.
Gayunpaman, plano niya di umano kausapin pagkatapos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos ang dalawang reelectionist senators na malapit sa sa ama – sina Senador Bong Go at Bato dela Rosa na kapwa miyembro ng PDP.
“Kailangan ko muna kasi pag-isipan kung ano yung direksiyon ko sa midterm elections sa susunod na taon kaya hindi pa ako handa na sumagot sa kanilang dalawa kung anong gagawin for the midterm elections,” pagtatapos ng bise-presidente.
