UMAARAY ang ang isang transport group hinggil sa anila’y hindi makatarungang service fee na sinisingil ng Land Transportation Office (LTO) sa paggamit ng online portal ng nasabing ahensya.
Partikular na tinukoy ni National Public Transport Coalition (NPTC) national president Ariel Lim ang P75 sa ipinapasa ng LTO sa tuwing gagamit ng Land Transportation Management System (LTMS).
Bukod sa dagdag-pasakit sa mga tsuper na kakarampot na lang ang kinikita bunsod ng kabi-kabilang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, hindi man lang aniya nagpalabas ng abiso ang LTO bago ipatupad ang naturang reglamentong kalakip ng LTMS..
Wala rin ani Lim isinagawang konsultasyon ang ahensya sa mga motorista.
“Bakit nagkaroon nga ng singilin? Pangalawa, paano nagkaroon ng singilin na hindi alam ng taumbayan at hindi nakarating kahit man lang sa media o nagkaroon ng konsultasyon?” pahayag pa ni Lim sa isang panayam.
Aniya pa, hindi naman masama ang maningil ng service fee ngunit dapat na idinaan sa konsultasyon at sa mababang halaga lamang.
“Ito po ay napakalaki. Yan ang unang kuwestiyon, napakalaki. Hindi naman siguro masama kung talagang may service fee na dapat bayaran, pero dapat po mababang halaga at dapat, pinaalam sa taumbayan, pinag-usapan. Eh eto po wala eh,” giit pa niya.
Binigyang-diin pa niya na gobyerno na umano ang may-ari ng LTMS, kaya hindi na dapat pang singilin ang mga gumagamit ng naturang portal.