
KINONDENA ni House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang ginagawang ‘shame campaigning’ ni Vice President Sara Duterte o ang paninira sa mga administration candidates kaugnay sa nalalapit na 2025 mid-term polls.
Kasabay nito, hinimok ng Mindanaoan lawmaker ang bise-presidente, gayundin ang lahat ng lider pulitikal na ibalik ang dangal, dignidad, at paggalang sa pangangampanya sa eleksyon.
Ayon kay Adiong, bagama’t mahalaga ang karapatang magpahayag ng pananaw sa politika sa isang demokrasya, ang panlalait, pagbabanta, at malaswang pananalita ay nakakasira sa diwa ng paglilingkod-bayan at nagpapahina sa democratic participation.
“The Filipino people deserve leaders who inspire by example, not those who intimidate with threats or vulgarity. The public square should be a platform for ideas, not a battleground for insults,” giit ng Lanao del Sur solon.
Ang pahayag si Adiong ay bilang reaksyon na rin sa sunod-sunod na mabibigat na batikos at personal na pag-atake ni Vice President Duterte kina Manila Reps. Bienvenido Abante, Joel Chua, Rolando Valeriano, at iba pang kaalyado ng administrasyon.
“This is not the leadership our people deserve. Strong leadership does not require bad language. It requires vision, courage and integrity,” dagdag pa ni Adiong.
Ipinahayag din ni Adiong ang kanyang pagkabahala sa mga pahayag ni Duterte, hindi lamang sa tono kundi pati na rin sa nilalaman ng mga ito, na aniya’y lumilihis sa mga isyung tunay na mahalaga sa taumbayan—gaya ng trabaho, edukasyon, kapayapaan, at pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
“Democracy thrives when we engage in respectful debate, not when we silence or shame one another. Let’s return to a time when policy ideas, not personal insults, defined our national conversations,” saad ng kongresista.
Binigyang-diin ni Adiong na ang mga nasa pamahalaan, lalo na ang mga may matataas na katungkulan, ay may tungkuling magsilbing huwaran sa mahinahon at makataong diskurso, at nararapat na iwasan ang pagiging mapanira at labis na dramatiko sa kanilang mga pahayag.
“Ang mga salitang binibitawan ng mga lider ay may bigat at epekto. Sa bawat mura at pananakot, nawawala ang tiwala ng mamamayan. Ang dapat ibalik sa politika ay dangal, hindi drama,” ani Adiong.
“Ang pamumuno ay hindi tungkol sa pagpapatahimik ng kalaban. Ito ay pagkilos para sa kapakanan ng lahat. Sa halip na manghiya, makinig. Sa halip na manakot, magpaliwanag,” dagdag pa niya.
Ipinaalala rin ng mambabatas na ang electoral campaign ay hindi dapat maging plataporma ng paghihiganti kundi pagkakataon upang ihain ang mga pananaw at plano para sa kinabukasan ng bansa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)