
MAKALIPAS ang mahigit dalawang taon ay muling binalikan ni Speaker Martin Romualdez ang Palayan City Township Housing Project kung saan personal niyang nasaksihan ang kagandahan nito, na bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program, na isa sa mga legacy projects ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, inikot ni Speaker Romualdez ang proyekto na mayroong mga amenities tulad ng clubhouse, swimming pool, basketball at tennis courts, central park, at iba pang recreational spaces. Wala pa ang mga ito noong unang nilang bisitahin ni Pangulong Marcos noong 2022.
Inilarawan ng lider ng Kamara na mayroong 306 mambabatas ang proyekto bilang simbolo ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program, isa sa mga legacy projects ng administrasyong Marcos.
“Ang sarap pong makabalik dito. Naalala ko pa, noong 2022, kasama po namin si Pangulong Bongbong Marcos nang ilunsad natin ang Palayan City Township. Kasama rin natin noon sina Secretary Acuzar, at siyempre si Mayor (Viandre Nicole) Cuevas. Doon po natin ibinaon ang time capsule, bilang tanda ng bagong simula—isang pangakong bibigyang-buhay ang pangarap ng bawat Pilipino na magkaroon ng sariling bahay,” pagalala ni Romualdez.
“Ngayon po, halos dalawang taon matapos ‘yon, napakaganda pong makita ang pagbabago dito sa Palayan,” dagdag pa niya.
Inikot din ni Speaker Romualdez ang mga unit ng benepisyaryo at ang mga gusaling kasalukuyang itinatayo sa Palayan City Township, na isa sa pinakamalaking proyekto ng 4PH sa ngayon.
Sa 24 mid-rise buildings na bahagi ng unang yugto, walo ang kasalukuyang itinatayo. Dalawang gusali na may kabuuang 538 unit ay nasa proseso na ng takeout sa Pag-IBIG Fund, at panibagong 538 units naman ang inaasahang maipagkakaloon na sa mga benepisyaryo pagsapit ng Hunyo 2026. May ilang pamilya na rin ang lumipat at pinapaganda ang kanilang mga tahanan sa tulong ng lokal na pamahalaan at DHSUD.
“Isa pa pong nakakatuwang balita: kompleto na po ang lahat ng amenities! May clubhouse, swimming pool, basketball court, tennis court, at central park. Dati, noong bumisita si Pangulo, wala pa po ito. Pero ngayon, andito na lahat—maayos, maganda, at libre,” sabi ni Romualdez.
“At ang mas maganda pa rito, wala pong ginastos ang gobyerno. Lahat ng amenities ay donasyon ng BellaVita Land Corporation, isang kumpanya sa ilalim ng Ayala Group. Kaya saludo po tayo sa kanila. “Iyan ang tunay na bayanihan—ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor para sa kabutihan ng mga tao,” aniya pa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)