DALAWANG linggo mula ng palawigin ang SIM Card Registration, muling nanawagan sa publiko ang National Telecommunications Commission (NTC), kasabay ng pakiusap na samantalahin ang huling pagkakataon.
Sa kalatas ng NTC, ganap na tinuldukan ang posibilidad ng panibagong pagpapalawig sa July 25 deadline para irehistro ang gamit na SIM cards, alinsunod na rin sa Republic Act 11934 (SIM Registration Act).
Bukod sa NTC, nanawagan rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga may hindi pa naka rehistro ang ginagamit na SIM card – “Beat the deadline, pero walang aberya.”
Sa datos ng DICT, nasa 95,029,414 SIM cards pa lang (katumbas ng 56%) ang kabuuang bilang ng nakarehistro, batay sa ulat mula sa tatlong public telecommunications entities (PTE).
Ayon sa DICT, maaaring mag register ng SIM sa pamamagitan ng official SIM Registration Portal links ng mga Public Telecommunication Entities (PTEs).
Para sa mga Smart subscribers – smart.com.ph/simreg or simreg.smart.com.ph
Para sa Globe Telecom subscribers – new.globe.com.ph/simreg
Para sa Dito Telecommunity subscribers – https://digital.dito.ph/pto/download/app