
MATAPOS malagay sa malaking kahihiyan ang buong Philippine National Police (PNP) sa operasyong ikinasa ng Special Operations Unit (SOU) ng Police Drug Enforcement Group (PDEG), masusing pinag-aaralan ng hepe ng pambansang pulisya ang posibilidad na kalusin ang pulutong na nagpahamak sa organisasyon.
Partikular na tinukoy ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang 17 SOU na batay sa resulta ng imbestigasyon ay lumalabas na kanlungan ng mga operatibang nakikinabang – kung hindi man direktang sangkot – sa kalakalan ng droga.
Para kay Acorda, lubhang mahirap burahin ang bahid na iniwan ng SOU sa anti-illegal drug operation noong Oktubre ng nakalipas na taon sa lungsod ng Maynila kung saan nasamsam sa pag-iingat ni anti-narcotics officer Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. ang 990 kilo ng shabu.
Paglilinaw ni Acorda, hindi mapipilay ang kampanya ng PNP laban sa mga sindikato sa likod ng kalakalan ng droga sa sandaling mabuwag ang SOU sa ilalim ng PDEG. Katunayan aniya, mas magiging epektibo ang pagsugpo sa kanser ng lipunan sa ilalim ng isang centralized Drug Enforcement Unit.