
PUSPUSAN ang pangangalap ng ebidensyang tuluyang magdidiin sa humigit kumulang 3,000 pulis na pinaniniwalaang pasok sa sindikato ng droga.
Pagtitiyak ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr., magpapatuloy pagwawalis ng anay sa hanay ng pulisya.
Sa isang panayam, inamin ni Acorda na lubhang mabigat ang suliranin sa loob ng PNP. Gayunpaman, nanindigan ang heneral na handa siyang makipagdikdikan kung kinakailangan.
Sa pagtataya ng PNP chief, nasa 1.3% ng kabuuang 228,000 pulis ang kailangan kalusin – bagay na mangyayari lamang aniya kung magagawa nilang kumalap ng sapat na ebidensyang batayan sa pagsibak sa serbisyo at paghahain ng karampatang kaso sa husgado.
Bukod sa mga tulak na parak, target rin aniya sa loob ng susunod na walong buwan ang mga protektor ng mga ilegal na aktibidades kabilang ang mga sugal na ipinagbabawal sa ilalim ng umiiral na batas. Pasok din sa talaan ni Acorda ang mga nangingikil na pulis.
Samantala, nanawagan si Acorda sa publiko na makipagtulungan sa PNP – “Sa halip na matakot kayo, i-report niyo agad sa amin para sa agarang aksyon.”