PIHADONG dobleng higpit sa budget ang mga ginang ng tahanan bunsod ng panibagong dagdag-singil sa kuryente matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang 42 percent increase sa tinatawag na Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) na sinisingil sa lahat energy consumers.
Ayon sa ERC, papalo na sa P0.1189 per kilowatt hour ang sisingilin sa ilalim ng FIT-All sa Marso mula sa P0.0838 per kWh.
Paglilinaw ng ahensya, mas mababa ang aprubadong FIT-All rate kumpara sa P0.1220 per kWh na hirit ng National Transmission Corporation (Transco).
Anang ERC, sa Transco pumapasok ang bahagi ng buwanang bayarin ng mga konsyumer mula sa mga distribution companies tulad ng Meralco bilang ambag sa renewable energy development projects.
Karaniwang tumataas ang FIT All charges kapag manipis ang imbak na kuryente.
Sa datos ng ERC, nasa P10.125 bilyon ang bayarin ng Transco sa renewable energy companies noong 2024.
