SA gitna ng implementasyon ng maximum suggested retail price para sa bigas, namumuro na rin ang panibagong hakbang laban sa mga negosyanteng nagtatago naman ng supply ng sibuyas.
Sa isang kalatas, inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Plant Industry na simulan ang pagbisita sa mga cold storage facilities na pinaniniwalaang nagtatago ng mga sibuyas na inani ng mga local onion farmers.
“Sinabihan ko inspeksyunin kung meron bang new harvest na tinatago at hindi binebenta, kasi kung merong ganun, mali yon,” ani Laurel.
“Kung magtatago ka ng onion is towards the middle or end of the harvest season eh, not sa umpisa eh. Doon pa lang, makikita natin kung merong manipulasyon,” dugtong ng Kalihim.
Pangako ng Agriculture chief, maglalaan ng isang linggo ang departamento para suyurin ang mga cold storage facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bago pa man naglabas ng direktiba si Laurel, una nang hinikayat ng grupong SINAG ang DA na maglabas na rin ng maximum retail price sa mga sibuyas – hiling na tinabla ng Kalihim sa paniwalang matatag ang presyo ng sibuyas sa merkado.
“Kung sakaling tumaas pa, titirahin din natin ng gano’n pero as of the moment, harvest is coming soon. Sakaling mag MSRP sa onion, that would be limited, two weeks lang yan,” aniya.
Para makatiyak na walang manipulasyon sa presyo ng sibuyas, inaprubahan ni Laurel ang pag-angkat ng 3,000 tonelada ng red onions, habang nasa 1,000 tonelada naman para sa puting sibuyas.
