SA halip na tumalima, inalmahan ng Kalihim na itinalaga ni former President Rodrigo Duterte bilang chairperson ng Mindanao Development Authority (MinDA) ang utos ng Palasyo na lisanin ang kanyang tanggapan.
Katwiran ni Maria Belen Acosta, fixed-term ang kanyang posisyon sa ahensyang nilikha sa bisa ng Republic Act 9996 (Mindanao Development Authority Act of 2010) kung saan aniya malinaw na nakasaad na kailangan niyang pagsilbihan ang natuirang tanggapan ng anim na taon.
Sinumbatan din ni Acosta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aniya’y kanilang sinuportahan sa abot ng kakayahan noong 2022 presidential elections – sa pakiusap ni Vice President Sara Duterte.
Gayunpaman, may pasubali si Acosta. Aniya, posibleng hindi alam ni Marcos na siya’y kabilang sa mga gumapang para ipanalo ang tambalang Marcos-Duterte sa Mindanao.
“Hindi niya kilala ang personal circumstances ko. Sumuporta kami sa UniTeam during the elections dahil nakiusap si then Mayor Inday Sara Duterte. Pero ewan ko kung alam niya ito,” ani Acosta kasabay ng hiling sa Pangulo na basahin ang mga probisyon sa ilalim ng RA 9996.
Samantala, nanumpa na rin bilang kapalit ni Acosta sa MinDA si Leo Tereso Magno.
