WALANG nakikitang banta sa isinusulong na priority bills ng Palasyo ang tinaguriang Magic 7 na pinamumunuan ni Senador Juan Miguel Zubiri na pinatalsik kamakailan bilang lider ng Senado.
Paliwanag ni Senate President Francis Escudero, hindi gagawin ng Magic 7 harangin ang mga priority measures na isinusulong ng Legislative Executive Development Advisory Council.
Sa simula pa lang aniya, suportado ni Zubiri at iba pang kaalyado ang mga panukalang itinutulak ng Palasyo.
Kabilang sa tinaguriang Magic 7 sina Senador Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Sonny Angara, Nancy Binay, Joel Villanueva, Loren Legarda at Zubiri.
Samantala, todo-tanggi si Escudero na PDEA Leaks ang nagtulak sa kanila para ilaglag si Zubiri.
Wala rin aniyang dahilan para sisihin ni Senador Ronald dela Rosa ang sarili sa kinahantungan ng karera ng pinatalkin na Senate President.
“Kaya naging emotional si Sen. Bato, siya raw ang dahilan kung bakit natanggal…sabi ko sa kanya eh ‘di sana ikaw na lang ang aming tinanggal, bakit si Senate President (Zubiri) pa. Dumami pa ang nasaktan humaba pa sana ikaw na lang pero hindi po ‘yan ang dahilan,” pahayag ni Escudero sa isang panayam sa radyo.
Katunayan aniya, hahayaan lang niyang ituloy ni dela Rosa ang imbestigasyon sa kontrobersyal na PDEA Leaks na kumakaladkad sa pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa droga.
