MULING kinalampag ng isang kongresista ang pamahalaan na pagtuunan ng angkop na pansin ang paulit-ulit na perwisyong dulot ng El Niño phenomenon, kasabay ng panawagan sa Kamara na pagtibayin ang panukalang paglikha ng Department of Water Resources.
Para kay AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee, higit na kailangan magkaroon ng ahensyang tutugon sa usapin ng tubig — hindi lamang para ibsan ang uhaw ng mga mamamayan kundi maging sa larangan ng agrikultura.
“Kailangang paghandaang mabuti ng pamahalaan ang El Niño, lalo pa at inaasahan na makakaapekto ito sa mga pananim ngayong taon, partikular sa bigas,” saad ni Lee sa isang pahayag.
“This is not the first or the last time we will deal with this critical problem, which is why we need a Department of Water Resources. Ngayon pa lang ay kailangan na natin ng epektibo at sustainable na water resources management program para tugunan ang mga impact ng El Niño,” diin ng kongresista.
“Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay binanggit ito sa kanyang SONA noong nakaraang taon, at sa tingin ko dapat itulak ito nang husto sa pagbubukas ng Kongreso sa Lunes.”
Sa unang SONA ng Pangulo, partikular na binanggit ni Marcos ang kahalagahan ng isang departamentong tanging trabaho ay lumikha ng polisiya at pangunahan ang implementasyon ng mga proyekto at programang magbibigay katiyakan na may sapat na tubig para sa mga sakahan.
Bilang pambungad, inaprubahan ng Pangulo nito lamang nakaraang Pebrero ang pagtataguyod ng Water Resource Management Office (WRMO) para pangasiwaan ang yamang tubig ng bansa.
Bilang suporta sa Pangulo, inihain naman ni Lee sa Kamara ang House Bill 2880, na nagsusulong sa paglikha ng DWR para bumalangkas at pangunahan ang implementasyon ng mga programa at proyektong magsasakatuparan sa pangako ng Pangulo — sapat, malinis, tuloy-tuloy at abot-kayang suplay ng tubig para sa irigasyon.
Sa ilalim ng panukala ni Lee, bibigyan proteksyon din ng DWR ang mga likas na pinagkukunan ng tubig sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
“Part of the mandate is to protect all water resources with greater emphasis on sources of drinkable water and work closely with local government units for the protection of waters within their jurisdictions, especially on pollution prevention and river restoration.”
Isusulong din ng HB 2880 ni Lee ang pag-iipon ng tubig ulan gamit ang makabagong teknolohiya — “It is also imperative to promote the use of rainwater harvesting facilities throughout the country to augment the country’s water supply needs and transfers the supervision of the construction and operations of all wells and other water-harvesting facilities from the Department of Public Works and Highways to the new agency.”
“Mahalaga ang tubig sa kalusugan nating lahat, sa ating food supply, at sa ating agricultural and industrial development. Kaya naman kapag maayos ang pangangasiwa sa ating tubig ay siguradong Winner Tayo Lahat,” aniya pa.
Uns nsng nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nakaambang tagtuyot sa malaking bahagi ng bansa bunsod ng El Niño.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar na daranas ng matinding epekto ng El Niño ang Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Metro Manila, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Camarines Sur, and Catanduanes in Luzon; at Antique, Guimaras, Iloilo, Leyte, at maging ang Southern Leyte, Camarines Norte at Northern Leyte.