
TALIWAS sa mga lunabas na ulat sa mga nakalipas na buwan, nasa isang milyong plaka na lang ang backlog ng Land Transportation Office (LTO).
Katunayan pa ani Transportation Sec. Jaime Bautista, humigit kumulang 1.7 milyong license plates ang naghihintay na lamang kunin sa mga regional offices ng ahensya.
Umaasa naman si Bautista na matutugunan ng LTO ang natitirang isang milyong kulang para tuluyang mabura ang backlog ng naturang tanggapan na nasa pangangasiwa ng bagong hirang na LTO chief Atty. Vigor Mendoza.
Aniya, una na niyang hiniling kay dating LTO officer-in-charge Hector Villacorta na magsagawa ng imbentaryo ng lahat ng available na plaka sa layuning mabatid ang estado ng license plate backlog ng bansa.
Inihayag ni Bautista na tinitingnan ng departamento ang pagbuo ng isang app na magpapakita ng lahat ng hindi na-claim na plaka.
Hinikayat din ng Kalihim ang mga may-ari ng mga sasakyang wala pang plaka na makipag-ugnayan sa web-based app ng ahensya kung saan maaring i-type ang kanilang pangalan at plate number para malaman kung saan pwede kunin ang license plate na nakatakda para sa kanilang ipinarehistrong sasakyan.
Pagtitiyak ni Bautista, ginagawa na rin ng kagawaran ang pagbabawas ng backlog para sa mga plaka ng motorsiklo.