
TALIWAS sa mga nakalipas na panahon, hindi na insidente ng krimen ang pangunahing peligro sa publiko, ayon kay House Assistant Majority Leader Rep. Jil Bongalon ng Ako Bicol partylist group.
Para kay Bongalon, mas malaking pangamba ang patuloy na pagkalat ng “fake news” mula sa nais magpabagsak ng gobyerno.
Sa isang pahayag, kinatigan ng kongresista ang panawagan ni Philippine National Police (PNP) sa hanay ng mga peryodista at mga online users para sa patas na pag-uulat ng krimen.
“Let’s be clear: crime is going down. The data is there,” ani Bongalon, habang tinutukoy ang opisyal na datos mula kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nagpapatunay ng pagbuti ng seguridad ng publiko sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunman, sinabi ni Bongalon na ang mga pagbabago ay nasasapawan ng mga viral post sa social media, na madalas ay kulang sa konteksto o hindi totoo, at nagpapalaganap ng takot at pag-aalala ng publiko.
“Ang daming nagbabahagi ng videos o kwento na walang buong konteksto. Nangyayari sa ibang bansa, ipapakalat na parang dito nangyari. Ito ang nagpapalaki sa takot ng mga tao, kahit hindi naman ito tugma sa totoong sitwasyon,” ayon sa mambabatas na miyembro ng tinaguriang Young Guns ng Kamara.
Base sa ulat ng PNP, bumaba ng 26.76% ang focus crime – mula 4,817 kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, ay nasa 3,528 na lamang sa parehong panahon ngayong taon.
Kabilang sa mga focus crimes ang nakawan, theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury, at carnapping ng motorsiklo at sasakyan. Ayon di sa tala, ang panggagahasa ay may pinakamalaking pagbaba na umabot ng hanggang higit sa 50 porsyento.
Ipinakita rin ng year-on-year data ang 7.31% na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 na kaso noong 2023 kumpara sa 38,667 ngayong 2024.
Ayon kay Marbil, ang patuloy na pagbaba ng kriminalidad ay bunga ng mas mataas na presensya ng pulisya, mas advanced na mga kasangkapang pang-imbestigasyon, digital surveillance, at mas matibay na pakikipagtulungan ng mga komunidad — mga hakbang na naaayon sa pangitain ni Pangulong Marcos para sa isang mas maayos at ligtas na Pilipinas.
Gayunpaman, inamin ni Marbil na ang pagkalat ng mga krimen sa social media ay maaaring magbigay ng maling impresyon na lumalala ang kriminalidad.
Hinikayat niya ang publiko na gamitin ang social media platform ito nang may responsibilidad—bilang mga kasangkapan sa seguridad, hindi sa takot—at isuplong anumang kahina-hinalang aktibidad sa halip na ipakalat ang hindi beripikadong impormasyon.
Sinegundahan ni Bongalon ang panawagan, kasabay ng babala — “Fake news is a crime in itself—it steals peace of mind and sows unnecessary fear.”
“Ang epekto nito ay hindi lang takot kundi pagkawala ng tiwala sa mga institusyong araw-araw na nagtatrabaho para sa ating seguridad,” dagdag niya.
Nanawagan si Bongalon ng mas matibay na media literacy, lalo na sa mga kabataan, upang matulungan ang mga Pilipino na matukoy ang pinagkakatiwalaan impormasyon mula sa mga viral pero maling impormasyon.
“Kapag mahina ang media literacy, mas madaling kumalat ang maling balita. We need to empower our citizens to verify first, share later,” aniya.
“As Gen. Marbil rightly pointed out, public safety is not just about statistics—it’s about how people feel. At kung gusto natin mapanatili ang tiwala at kapayapaan, kailangang sabay tayong kumilos laban sa takot at kasinungalingan.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)