
”BAGSAK ka na nga sa pamumuno, ang baba pa ng EQ mo. Ikaw dapat ang humihingi ng tawad,” patutsada ng isang militanteng kongresista laban kay Vice President Sara Duterte sa patutsada sa isang pagtitipon kasama ang mga kawani ng Office of the Vice President (OVP) kamakailan.
Partikular na tinuligsa ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang pahayag ni Vice President Duterte na hindi siya magpapatawad sa umano’y mga kumakalaban sa kanya matapos sampahan ng impeachment complaint sa Kamara.
“Hindi kami humihingi ng pagpapatawad mo. Ang kailangan namin ay panagutan mo ang pandarambong sa kaban ng bayan, pang-aabuso sa kapangyarihan at pagtataksil sa mamamayan,” dagdag pa ng Akbayan partylist solon.
“The impeachment complaint is about restoring dignity, transparency, and accountability in public office. The people are not asking for the vice president’s forgiveness, we are demanding her removal from office,” diin ni Cendaña
Kung si Deputy Majority Leader Rep. Paolo Ortega V ng La Union naman ang tatanungin, tahasan niyang sinabi na dapat munang patawarin ng bise presidente ang sarili bago magpatawad sa iba.
“Siya po siguro yun. Pero kung ako nasa lugar nya, siguro broad po kasi ang pagpapatawad. So ang pinakauna ko pong gagawin, papatawarin ko muna yung sarili ko bago ako magpatawad ng ibang tao,” bulalas pa ng ranking House official.
Binigyan-diin ni Ortega na ang pagpapatawad sa sarili ay isang mahalagang hakbang upang makapag patawad ng iba.
“Kasi kapag napatawad mo na sarili mo sa mga pagkakasala mo o kung ano man nagawa mong masama, yan lang ang panahon na makakapatawad ka ng ibang tao,” ang paalala pa ng probinsyanong solon. (Romeo Allan Butuyan II)