SUPORTADO ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pagpapalabas ng Commission on Elections (Comelec) ng show-cause order sa mga kandidatong inirereklamo dahil sa paggamit ng malaswa at sexist language sa pangangampanya.
Ayon kay Adiong, na tumatayong pinuno ng House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims Compensation, makakatulong ang naturang hakbang sa pagnanais na mapanatili ang kaayusan at pananagutan sa pampublikong diskurso.
Sa isang press briefing sa House of Representatives, lubos na ikinagalak ng kongresista ang hakbang ng Comelec lalo pa aniya’t higit na angkop paalalahanan ang lahat ng kandidato na ang kalayaan sa pagpapahayag sa pulitika ay palaging may kaakibat ng paggalang at disenteng asal—lalo na kapag ang usapin ay tungkol sa kababaihan at mga sektor na nasa laylayan ng lipunan.
“Ako personally, sinusuportahan ko and I would like to commend Comelec for coming up with this bold step in disciplining, if I should say no, the candidates running for this election, ‘yung pag-adopt nila ng anti-discrimination and fair campaign resolution,” ayon kay Adiong.
Dagdag pa niya, bagama’t pinapayagan ng batas ang negative campaigning, hindi ito dapat humantong sa diskriminasyon o pang-aalipusta.
“Allowed naman under the electoral, election omnibus code yung sinasabi nilang negative campaigning and this has been explained by Chairman George Garcia of Comelec. But if you want to attack a certain candidate or a certain adversary in a political position, you should not use something that would touch the sensitivity of a certain group of people,” paliwanag niya.
Kamakailan, nagpalabas ang Comelec ng show-cause order laban kay Davao de Oro Representative Ruwel Peter Gonzaga matapos makuhanan sa video na gumagawa ng malaswa at mapanirang-puring pahayag sa isang political rally. Ang naturang video ay umani ng matinding batikos mula sa publiko, mga grupo ng kababaihan, at ilang mambabatas.
Nauna nang nagpalabas ng show-cause orders ang Comelec kina reelectionist Misamis Oriental Governor Peter Unabia, Mataas na Kahoy Vice Mayor at Batangas gubernatorial candidate Jay Ilagan, Nueva Ecija gubernatorial candidate Virgilio Bote, at Pasig City lone district representative aspirant Ian Sia.
Binigyang-diin ni Adiong ang kahalagahan ng pagpapanatili ng disente at maayos na diskurso sa publiko, lalo na para sa mga naghahangad ng posisyon sa gobyerno.
“So dapat nga tayo, we always have to maintain decency in public discourses, especially if you’re elected, especially if you’re seeking a political position. Kasi, ehemplo nga tayo eh. We are supposed to be the role models in our community,” ayon pa kay Adiong.
Hinimok din ng mambabatas ang mga kandidato na maging sensitibo at maingat sa mga pahayag upang hindi makasakit o makapagpababa sa dignidad ng ibang tao.
“We should at least be sensitive enough to, and be circumspect in dealing with the campaign speeches and campaign remarks that will not belittle a group of people, but actually demeans the humanity of a certain individual,” dagdag pa niya.
Ayon kay Adiong, hindi dapat palampasin ang mga pananalitang nananakit o nagpapahiya sa kapwa.
“Hindi na dapat din natin hayaan na maging, ang pananalita ng bawat isa ay hindi lang nakakasakit sa isang indibidwal pero nakaka-demean at nakaka-dehumanize sa isang grupo ng tao… sa isang mga sektor sa ating lipunan,” ani Adiong.
Ipinaliwanag din niya na ang ginagawa ng Comelec ay pagbibigay ng due process sa mga kandidato upang maipaliwanag nila ang kanilang panig.
“Again, the Comelec is just giving them the due process. Because show-cause order would provide them the time to explain themselves… they come out in public saying all of those things,” ayon pa sa kongresista mula sa Mindanao. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
